itang

Matagal ko nang gustong isulat ang isang ito,matagal na ding umiikot sa isip ko ang outline. Isa ito sa mga una kong nais isulat mula noong ma-inspire ako ng mga Youngblood essay contributions sa opinion section ng Phil.Daily Inquirer. Sa katagalan,naunahan na ako ni Bamboo na naglabas ng isang kanta na may temang katulad nito.

Pero sinusumpong na naman ako ng kati ng mga daliri na gustong makatipa sa keyboard ng computer….. kaya naman,sa lahat ng makakabasa, pagtiyagaan ninyo ang isang ito….

”Ang Agimat ni Itang”

Labing-anim na taong gulang pa lamang ako noon… isang umaga, Linggo, panahon ng tag-lamig,kaya naman malapit ng mag-alas sais eh medyo madilim-dilim pa din. Dati-rati, kung ganoong walang pasok at maganda ang panahon,siguradong maaga na akong nakasibat papuntang basketball court, pero ’nung mga oras na iyon, iba ang agendang naglalaro sa isipan ko.

Tahimik akong lumabas ng kwarto, patalungkong naupo sa harap ng bahay… matiyagang nag-abang…

Maya-maya pa, natanaw ko na ang aking hinihintay….. ang aking lolo…si Itang.

Matanda na si Itang, pero sa edad na mahigit walumpu ay may natitira pa ding tikas mula sa kanyang kabataan (sa kanya ko daw namana ang aking ka-pogian he he…). Kung tutuusin maaari na siyang magpahinga at tumigil sa pagsasaka. Pero ayaw niya, hinahanap-hanap na ng kanyang katawang sanay sa hirap,ang pagtatrabaho sa bukid. Kayang kaya pa niyang magsaka’t magpastol ng kawan ng mga baka.

Isang tahimik na tao si Itang, ni bibihira ko siyang makitang magalit. Marami siyang mabubuting katangian. Pero merong mga katangian ang aking lolo na talaga namang mahiwaga para sa akin…

Sa mga umpukan, hindi miminsan kong narinig ang ilang bagay tungkol sa kanya.

’Pag daw may nasuntok ng kaliwa si kakang Daroy, iyun ang tawag sa kaniya ng ibang tao, tiyak pinakamababa na ang madala sa ospital,eh paano pa kaya kung makahagip ang kanan niya. Malakas si Itang, nakakapagtaka daw na kahit matanda na siya eh hindi siya naaanod kung tumatawid siya sa binabahang ilog. Hindi din daw siya nabubuwal kahit mahila ng naka-taling baka.

Makapangyarihan daw ang kanyang salita at siguradong pakikinggan ito ng mga tao.

May bulong-bulungan din na lapitin daw siya ng mga babae, at sa isang tingin, malamang na mabighani na sa kanya ang mga kadalagahan (hearthrob hehe).

Ayon sa mga matatanda… may agimat daw si Itang

At iyon ang dahilan kung bakit ko s’ya inaabangan….

Naala ko nung mas bata pa ako, ’pag sumasama ako sa kanya sa bukid, lagi niyang sinasabi… ”pag dating ng takdang panahon, mayroon akong ibibigay sa ’yo”…..

At sa aking kabataang isip… siguro’y ito na ang panahon!

Sinalubong ko si Itang sa kanyang paglapit…muli, kaunti ang salitang lumabas sa kanyang mga bibig. Pero sa pagtatama ng aming tingin,siguro’y naramdaman na niya kung bakit ako sasama sa kanya papunta sa kanyang kubo sa bukid. Habang naglalakad,muli kaming nagkakwentuhan…pag-uusap na matagal na naming hindi nagagawa.Ilang buwan na lamang daw at mag-kokolehiyo na ako,at kung siya ang masusunod, gusto niyang ako’y maging isang abugado o kaya nama’y engineer. Pinaalalahan niya din ako na sa tuwina’y maging mabuti sa kapwa.

Pagdating sa kubo, mayroon siyang ipinakita sa akin, mga maliliit na bagay… nakabalot sa isang munting panyo. Nanlaki ang aking mga mata sa nakita, ayon ka’y Itang, ang mga munting bagay ay mga agimat, mula pa daw ang mga iyon sa kanyang mga ninuno, at ilan daw doon ang ibibigay niya sa akin.

Subalit para magka-bisa ang mga agimat, kailangan kong sundin ang ilang kundisyon….

Kailangang maging mapagkumbaba… maging masipag at matiyaga… maging mabait at mapagmahal sa kapwa at higit sa lahat, kailangang laging ipagdasal ang mga munting agimat. Ibayong pananalig sa Maykpal ang kailangan.

Bigla, nagising ako sa katotohanan, hindi sa mga agimat na iyon nagmumula ang mga kakaibang katangian ng aking minamahal na Itang…

Malakas ang kanyang katawan dahil nasanay na ito sa kanyang kasipagan…

Pinakikinggan s’ya at hinahangaan dahil sa kanyang kabutihang asal…

At higit sa lahat…

malalim ang kanyang paniniwala sa Diyos na Maykapal.

Medyo matagal-tagal na ding panahon mula ng muling bumalik sa piling ng Maylalang ang aking lolo. Hindi din natupad ang pangarap niya na ako’y maging abugado o engineer… at ni hindi din niya naabutan ang panahon na ako’y naging guro. Matagal ng wala si Itang, pero sa ganun pa man… ang mga aral na aking natutuna’y laging buhay at hinding-hindi ko malilimutan.

This entry was posted in ang agimat ni itang. Bookmark the permalink.

One Response to itang

  1. gndang kwento sir…

    nkakaiyak………….

    at

    nakakatouch………………..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s